Panukalang batas na gawing Pinoy ang isang Chinese na iniuugnay sa POGO, tinabla ni Pres. Marcos

featured-image

Sa pamamagitan ng kaniyang "veto" power, hindi pumasa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang ipinasang panukalang batas ng Kongreso na gawing naturalized Filipino citizen ang negosyanteng si Li Duan Wang, na iniuugnay bilang incorporator ng biggest POGO service provider sa Pilipinas.

Sa pamamagitan ng kaniyang "veto" power, hindi pumasa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang ipinasang panukalang batas ng Kongreso na gawing naturalized Filipino citizen ang negosyanteng si Li Duan Wang, na iniuugnay bilang incorporator umano ng biggest POGO service provider sa Pilipinas. Sa Palace press briefing nitong Biyernes, inihayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty.

Claire Castro, ang veto message ni Marcos para sa Kongreso na nagsasasaad na hindi maisasantabi ng pangulo ang umano'y, "alarming and revealing warnings raised by our relevant national agencies that find the subject grantee’s character and influence to be full of ominous and dire consequences, if not, of a clear and present danger.” Sa ilalim ng batas, maaaring kontrahin o i-override ang veto power ng pangulo kung makakakuha ang mga mambabatas sa Kamara de Representantes at Senado ng tig-two–thirds na boto para maging ganap na batas ang inaprubahan nilang panukala na na-veto ng presidente. Sa post sa X ni GMA News Ivan Mayrina, sinabing inaakusahan si Wang, na kilala rin bilang si Mark Ong, na incorporator umao ng New Oriental Club 88 Corporation, na isinara noong 2019.



Sa Senado, 19 na senador ang bumoto pabor na bigyan ng Philippine citizenship si Wang, sa kabila ng mga babala ni Sen. Risa Hontiveros [nag-iisang tumutol sa panukala], tungkol sa pagkatao ng naturang Tsino. Ayon kay Hontiveros, bagaman isinara ang New Oriental Club 88 Corporation noong 2019, inamyendahan ang articles of incorporation nito noong 2020 para makapag-operate pa rin ang kompanya bilang isang "Special Class of BPO" at mag-operate bilang service provider ng offshore online gaming.

Aktibo pa rin umano ang kompanya nito hanggang noong nakaraang taon. Ayon kay Castro, hindi umano maaaring balewalain ng pangulo bilang Pilipino ang mga babala mula sa mga ahensiya ng pamahalaan tungkol kay Wang. "Ang Filipino citizenship ay isang pribilehiyo at hindi ipinamimigay nang basta-basta.

Hindi rin ito dapat gawing kasangkapan upang pagbigyan ang pagsulong ng mga kaduda-dudang interes," ani Castro. Dagdag pa ni Castro, na para sa pangulo, ang pagkakaloob ng Filipino citizenship ay hindi lang pagbibigay ng legal na karapatan, kung hindi nagbubukas din ng pintuan tungkol sa kasaysayan, lahi at pamana ng mga Pilipino. "Kaya dapat ang tatanggap nito ay sumasailalim din sa mga adhikain ng ating bayan," patuloy ng opisyal.

Ikinatuwa naman ni Hontiveros ang ginawang pag-veto ni Marcos sa naturang panukalang batas na pagpapakita umano ng pagprotekta sa Filipino citizenship. Sinabi rin ng senadora na ang pagkakaroon ni Wang ng multiple taxpayer IDs, umano'y koneksiyon sa ilegal na POGOs, at sinasabing kaugnayan sa isang grupo na may kinalaman sa Chinese Communist Party, ay nagpapakita ng "bad faith" sa kaniyang pagkatao. "These are not small issues or minor technicalities.

Rewarding Wang with Filipino citizenship, despite these red flags, would have sent the wrong message and set a dangerous precedent," ani Hontiveros. "I firmly believe that rejecting Li Duan Wang's application is a firm stand for our national interest," dagdag niya. Sa nakaraang panayam, sinabi ni Sen.

Sherwin Gatchalian na may lehitimong negosyo sa bansa si Wang, at walang masamang record sa mga awtoridad. Wala rin umanong katibayan na magpapatunay na konektado ito sa POGO. Sinisikap pa ng GMA News Online na makuhanan ng reaksyon sina Albay Representative Joey Salceda, na isa sa may-akda ng panukalang batas sa Kamara na gawing Filipino citizen si Wang, habang si Sen.

Francis Tolentino, naman sa bersiyon ng Senado. — mula sa ulat nina Joahna Lei Casilao/ Jiselle Anne Casucian/FRJ, GMA Integrated News.