Pinaghahanda ang mga Pinoy sa Florida, USA sa pagtama ng Hurricane Milton na itinuturing na isang "monster hurricane." Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabi ng Philippine Embassy sa Washington DC na binabantayan nila ang sitwasyon sa Florida na dadaanan ng malakas na bagyo na idineklarang may lakas na Category 5. Isang stadium sa Florida ang inihanda bilang evacuation center at base camp.
Sa ilang lugar, naglilinis pa ang mga residente sa mga iniwang pinsala ng nagdaang bagyo na "Helene," para paghandaan ang bagong bagyo na tatama sa kanila na si Milton. Nagsimula na ring bumigat ang daloy ng trapiko sa ilang highway dahil sa paglikas ng marami upang makaiwas sa hagupit ni Milton, inaasahang tatama sa Huwebes. Ang mga hindi lumikas, nag-imbak naman ng kanilang supply sa bahay.
Ilang Filipino ang kabilang sa mga nais manatili sa kanilang mga bahay, kaya hinihikayat sila ni Philippine Honorary Consul Sharol Noblejas na lumikas na muna habang may panahon pa. Ipinaalala ni Noblejas na hindi magsasagawa ng search and rescue operations ang mga awtoridad ng Florida hanggat hindi nakakadaan ang bagyo. "There's nothing more we can do.
We've provided phone numbers for assistance, but we won't be able to reach them until it's safe to return," sabi ni Noblejas sa ulat ng GMA News Online. "It will be extremely difficult to help anyone once they are in danger," dagdag niya. Batay umano sa pagtaya ng mga eksperto, sinabi ni Noblejas na maaaring lumikha ng daluyong si Milton na aabot sa 15 talampakan na kayang magpalubog sa mga bahay.
"Hopefully, if they're in a two-story house, they can move to the second floor or even the roof if necessary. But with a Category 5 storm, even a wooden house can easily be destroyed," pahayag ng opisyal. Sinabi ni Noblejas na may contingency plan na nakalatag para tulungan ang mga Pinoy sa Florida.
"Our current plan is for people to head to shelters. If their homes are no longer safe, there are 36 shelters across the state, and the government has set up 14 large shelters along the I-75 corridor, each capable of holding over 1,000 people," pahayag niya. "Many are attempting to evacuate, but they're running out of gas on the highway, with no more fuel available for 110 miles.
The priority is to reach the shelters before the storm hits, which is expected around 2 a.m. tomorrow," sabi ni Noblejas.
Tinatayang mayroong 26,000 Pinoy sa Tampa, at halos kalahating milyon ng populasyon sa lugar ang nagsimula nang lumikas. "It's a mass exodus," ani Noblejas. "The roads are packed with cars.
People are either leaving or heading to shelters. I've heard some still plan to stay, but we've issued an advisory urging them to evacuate, as many will not survive the storm." Itinuturing ang Hurricane Miltion ang pinakamalakas na bagyo na mararanasan sa lugar sa loob ng nakalipas na 100 taon.
— FRJ, GMA Integrated News.
Top
Mga Pinoy sa Florida, USA, pinaghahanda sa hagupit ng 'monster hurricane' na si 'Milton'
Pinaghahanda ang mga Pinoy sa Florida, USA sa pagtama ng Hurricane Milton na itinuturing na isang "monster hurricane."