2, kabilang ang 1 menor de edad, patay sa saksak dahil sa away sa bentilador at ilaw

featured-image

Patay ang dalawa katao, kabilang ang isang menor de edad, matapos silang pagsasaksakin ng mga menor de edad din sa Barangay CAA, Las Piñas City. Ang ugat ng kanilang away, ang pagpatay-sindi umano ng bentilador at ilaw ng isa sa mga biktima.

Patay ang dalawa katao, kabilang ang isang menor de edad, matapos silang pagsasaksakin ng mga menor de edad din sa Barangay CAA, Las Piñas City. Ang ugat ng kanilang away, ang pagpatay-sindi umano ng bentilador at ilaw ng isa sa mga biktima. Sa ulat ni Bea Pinlac sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing naganap ang insidente Biyernes ng gabi kung saan pauwi na noon ang 15-anyos na Grade 8 student na si “Edgar,” hindi niya tunay na pangalan.

Sinundo siya ng kaniyang pinsan na si “Jericho,” hindi rin niya tunay na pangalan. “While itong mga biktima ay palabas galing eskwelahan, accordingly, sinundan sila ng mga kapwa-estudyante nila, mga minor lahat ito. Hanggang dito, nagpang-abot, sinaksak 'yung ating dalawang minor na victim,” sabi ni Police Colonel Sandro Tafalla, hepe ng Las Piñas Police.



Nasaksak sa dibdib si “Edgar,” habang sa leeg tumama ang saksak kay “Jericho.” Dinala pa sa magkahiwalay na ospital ang mga biktima ngunit binawian din sila ng buhay. Mga edad 14, 15 at 16 anyos ang mga may gawa ng pananaksak, na itinuturing children in conflict with the law (CICL).

“Nagkaroon sila ng verbal altercation ng isa sa mga child in conflict with the law na nag-aaral sa parehong eskwelahan. Sabi ng isa sa mga witnesses natin, nagkasagutan sila dahil itong isa sa mga victim pinapatay-sindi 'yung ilaw. Nagkaroon sila ng hamunan.

According dito sa mga nakakita, inatake sila at inabangan,” sabi ni Police Staff Sergeant Neptali Maliclic, investigator ng Las Piñas Police. Isinuko ng kanilang mga magulang ang tatlong CICL sa awtoridad. “Pinatay po 'yung ilaw, electric fan, eh may tao po.

Nangti-trip po sila. ‘Yung sa isa hindi ko po alam [na nanaksak]. Sinuntok ko po ‘yun, tapos sinuntok po ako ng isa, hinawakan po ang damit ko,” depensa ng isa sa CICL.

Itinurn-over sila sa Bahay Pag-asa, isang pasilidad para sa mga batang nasasangkot sa krimen. “I-evaluate kung alam nila ang consequences ng actions nila bago tayo makapag-proceed sa pagsasaayos ng criminal complaint,” sabi ni Maliclic. Makikipag-ugnayan naman ang pulisya sa eskuwelahan ng mga binatilyo.

— Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News.